Eh ang classroom na ito?
Nakadaan ka na ba sa daang ito?
Pumasok ako sa UP Los Banos na mayroong mataas na pangarap para sa sarili ko. Inakala ko na ang UP ang daan sa isang magandang buhay. Pagdating ko doon, nalaman ko na hindi pala ganoon kadali iyon. Marami kang makikita na hindi maganda. Marami kang makikilala na hindi mo kasundo. Marami kang malalaman na hindi mo gugustuhing malaman.
Habang naglalakad lakad ako sa may New Dorm, nakita ko ang hindi tapos na building na para bang gymnasium. Tiningnan ko naman iyon dahil hindi ko alam na mayroon palang ganoon sa loob ng UPLB. Pagtingin ko sa karatula, nagulat ako dahil nakita kong 2004 pa ang finish date ng gusali. Nagtanung-tanong ako at napag-alaman ko na dapat pala, ililipat sa gusaling iyon ang PE classes. Dapat pala, iyon ang bagong Baker Hall. Ang makasaysayang Baker Hall naman, dapat ay gagawing museum. Napakagandang plano sana nito. Hindi ko lamang naberipika ang katotohanan ng planong iyon sa gusaling hindi tapos. Kung anuman ang gagawin doon, noong 2004 pa dapat nagawa. Sayang ang salaping dapat sana ay ikabubuti ng pagkatuto ng mga magaaral sa UPLB.
Hindi lingid sa kaalaman ng mga mag-aaral na ang mga gusali sa loob ng unibersidad ay bagong pintura. Ang sabi ko noon, “Hay salamat, pagagandahin nila ang mga building.” Nadismaya nalang ako nang napansin kong mas inuna pa pala ang labas ng mga gusali. Ang loob ay ganun pa rin. Ang mga silya sa Hum ay nabubulok parin, ang Math Building, nadagdagan man ng isang lecture hall, ganun pa rin, bulok pa rin ang mga kagamitan at silid-aralan. Walang nagbago kundi ang panlabas na anyo.
Siguro naman, walang magaaral sa UPLB ang hindi nakapansin ng malaking “relo” na nasa gitna ng pinakamamahal nating Freedom Park. Noong una ay mayroon iyong logo ng UPLB. Ngayon, hindi ko na alam ang nangyari sa disenyong iyon. Para sa akin, isang porma ng pagkasira sa Freedom Park ang daanang iyon. Hindi iyon nakaganda bagkus nakasira pa sa dating malawak na Freedom Park. Hindi ko rin nakita ang saysay niyon dahil dati namang kuntento ang mga taga-Men’s dorm na maglakad sa daang sila ang gumawa. Kung anu pa man ang pakinabang ng daanang iyon, masasabi kong hindi iyon gaanong kapakipakinabang sa mga magaaral.
Ang lahat ng ito ay mga bagay na gumulat sa akin sa pagdaan ng panahon. Nagugulat na lamang ako na bigla biglang may sumusulpot na mga bago sa UPLB.Sa kabila ng mga pagbabago, masasabi ko paring ang UP ang daan, hindi lamang sa magandang buhay, kundi sa isang magandang bansa. Masasabi kong ang UPLB ang nagturo sa akin ng mga bagay na hindi ko matututunan sa apat na sulok ng silid-aralan. Tinuruan ako nito na hindi sa pagrereklamo madadaan ang lahat ng bagay. Tinuruan ako nito na hindi lamang trabaho ng gobyerno ang pagpapaganda ng ating bansa kundi trabaho rin natin. Sa UPLB, hindi maaaring matapos ang semestre ng wala kang matututunan mula sa mga taong nagturo sa iyo. Minsan, matututo ka dahil sa hindi magandang turo, minsan, matututo ka dahil sa magandang turo. Paano ka man natuto, maganda parin ang natutunan mo.
Alam kong ang lahat ng hindi magagandang bagay na nasa UPLB ngayon ay magbubunga ng mga magagandang bagay sa hinaharap. Tulad na lamang ng kakulangan natin sa pasilidad ang nagtulak sa atin na maging maparaan. Ang mga dapat sana ay masama ang kalidad ay nagagawa nating maging maganda. Ito ang pinakamagandang aral na natutunan ko sa unibersidad.
Kung ang UP ang Little Philippines, dapat akong magpasalamat na naging Pilipino ako. Ipinanganak ako sa isang bansa na maraming maituturo sa akin tungkol sa buhay. Hindi kasisisising nabuhay ako.
-duaso, ma. cristina f.
2006-40522
posc 1 - x



No comments:
Post a Comment